Sunday, October 25, 2009
KAWAWAWEEEE!!!
Tatagalugin ko na uli ito.
Ang malas talaga ng Pinoy. Damontres na buhay ito. Ang may kasalanan nito ay ang duwende na nakatira sa palasyo. Kung tutuusin, matalino ang duwende. Magaling siya maghasik ng lagim. Ang di alam ng nakararaming NoyPi ay kaya pinalaya ng duwende ang matandang halimaw mula sa hawla niya sa Tanay dalawang taon ng nakaraan ay para magkagulo ang bansa at malimutan ng tao ang pagnanakaw na ginawa ng pamilya ng duwende.
Kita mo nga naman. Pag magulo na ang pulitika sa bansa, wala ng panahon pa para magisip tungkol sa kahayupan ng duwende sa palasyo. Matalino di ba?
Kaya eto na naman. Parang kanta ni Gary V. Andiyan ka na naman...tumutukso tukso... Nakalabas na ang halimaw. Ang mga kampon ni halimaw na pulos matatandang kapre, tiyanak, tikbalang, balimbing at iba't iba pang mga demonyo ay nagsilabasan na din. Sabi nga ni duwende --- ang saya saya noh??!!?!?!
Lait na kung lait. Alipusta na kung alipusta. Kung may karapatan tumakbo maging pinuno ng bansa uli ang halimaw, puwes may karapatan din akong maglabas ng aking paningin at pandidiri. Kung meron man akong mga kaibigan na kamaganak ng halimaw at duwende, pasensiya na kayo. Walang personalan ito. Nasusuka lang ako sa teledrama at pagbabalik drama ng isang damakmak na leche sa pulitika.
Ang pagluluklok ng isang pinuno ay di nakukuha sa mga pangako. Ang mga pangako ay para sa mga nananaginip lamang. Ika nga ni Nora Aunor - walang himala!!! At di maaaring maghimala ang isang tanga. Walang utak ang halimaw. Mangangako yan na iaahon niya sa kahirapan si Juan. Pangako lamang. Si Juan Tanga at Juan Tamad ay aasa sa pangakong yon. Isang tanong - paano mo maasahan na boboto ng matino si Juan Tanga at Juan Tamad, kung sumakay at bumaba sa tamang lugar na pampasahero o tumawid sa tamang lugar ay di nga niya magawa? Ano ka, sinusuwerte?
Maraming gimik si halimaw. Andiyan ang mga alipores niyang artista na akala nila pag pinasaya nila ang mga uto uto ay puede na sila maging kandidato sa darating na halalan. Anak ng putakte. Huwag na tayong magbiruan pa. Sa totoo lang, sa tingin mo ba pag naging TV host ka eh talagang kaya mo ng bumili ng bapor, magagarang sasakyan at sandamakmak na bahay at lupa sa loob ng ilang taon? Eh sa lifestyle lang nila, ubos din ang pera sa pagpapasikat at pagpabongga. Ang tanong - bakit hindi sila ang habulin ng BIR? Wala pa akong nakikitang artista na hinabol ng BIR na namulubi. Ikaw meron na ba? Joke joke joke lang yan BIR noh! Konting kodakan lang sa mga artista eh ayos na. I dare them - ikulong ninyo si Juday at Goma! Kaya ba ninyo?
Kung tutuusin, kasalanan din natin lahat yan. Kaya kahit anong kayod natin para umahon sa kahirapan, eh lalo tayong naluluklok sa putikan. Binenta natin ang ating boto. Hindi marunong matuto ang NoyPi. Karamihan sa atin, mga Jologs. Mga naniniwala sa mga artista at ang kanilang mga walang saysay na telenovela, drama at pangarap. Nakatutok tayo sa mga "reality shows" at sumasali sa mga "game shows" kahit na alipustahin at paglaruan ng TV host. Masokista talaga ang NoyPi. Pustahan tayo, kung may palabas na nilalatigo ang "contestant" ay mas patok na patok yon. Madali tayong mauto. Sinabi lang ni Aga na ang Solmux ay nakakatunaw ng plema o ni John Lloyd na okay ang Biogesic, ay lunok agad si Juan Tanga at Juan Tamad. Para bang di tama na okay lang walang ulam na sa hapag kainan si Juan - huwag lang mawalan ng Coke. Open a can of happiness ika nga. Clik na clik nga si Aling Dionisia, dahil siya ang pangarap ng bawat Aling Dionisia sa bansa - na magkaroon sila ng anak tulad ni Pacman na iaahon sila sa hirap - dala ng kamao!
Oras na para ang pangkaraniwang mamamayan naman ang mangarap - ng isang mas magandang buhay, isang matinong bansa, isang pamahalaang maaasahan sa hirap at ginhawa. Pag nailuklok niyo uli ang halimaw at ang kanyang mga alipores, eh talagang bago ang ating kanta - KAWAWA-WE!!!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment