Sunday, January 31, 2010

Pramis, Peksman, Hope to die


My apologies to my foreign readers who do not speak Filipino or Tagalog or Taglish (our local version of Tagalog and English). I am blogging this in the local language, hopefully, to get the message across, and praying that it get circulated on a national scale. If you have Filipino friends, you may want them to translate it for you.

Mga kababayan, tatagalugin ko ito (este, may Taglish din ang ibang kataga). Sa mga hindi marunong magtagalog (sabi ni Fortun hindi daw nakakintindi ng tagalog ang mga Ampatuan), paumanhin po. Itong huling blog na ito sa huling araw ng Enero ng taong ito ang araw na ilalahad ko kung sino ang aking iboboto sa darating na halalan.

Alam ko na walang pakialam yung iba diyan kung sino man ang magiging manok ko sa darating na halalan. Eh wala din naman akong pakialam kung sino ang inyong iboto.

Sa dinami dami ng mga "jingle" ngayon at mga pulitikong nagsipagsulputan bigla sa Facebook, hindi naging madali ang aking pagpili kung sino sa mga tatakbo ang aking ini-endorso sa darating na halalan. Halos dalawang buwan ko din itong inisip...at pakiwari ko, panahon na, para mangampanya na din ako.

Malapit na ang eleksyon. Batuhan na ng tae ang iba't ibang kampo na tumatakbo bilang pangulo ng kaawa awa nating Pinas.

Kung ang pagbabasehan natin kung mas matalino na ang botanteng Pinoy ngayon ayon sa mga nakikitang mga "advertisement" sa media (TV at radyo) - ang sagot diyan ay HINDI!

Nakakapanindig balahibo ang ibang mga "advertisement" at "jingle" at "theme songs" o "background music" (at may kasama pang Silent Night) ng iba!

Susmaryosep! Bakit ba pinaglalandakan ng iba diyan na galing sila sa mahirap? May mahirap daw at may tunay na mahirap (sabi ni Dolphy, meron daw...kaya siguro yung iba pekeng mahirap?!?!?). Magbobote, laking Tondo, nagtutulak ng kariton, nagbibigay ng libreng tulong (kasama na ang ataol), gamot, pabahay, "Medical Missions" (parang dumami ang doctor na libre ang singil pagdating ng eleksyon na kasama sa hakot ng pulitiko), tulong sa mga OFW, tumutulong sa mga nasalanta ng pagputok ng bulkan...pasiklaban, payabangan na ng mga nagawa. Pati yang mga gusgusing yagit, sinama na din sa pagkanta ng isang sugo na aahon sa bansang ito sa kahirapan.

Kakaibang hayop talaga magisip ng gimik na papatok ang mga political advisers ng mga ito. Pangmasa ang dating. Ginawang eng-eng ang mga Pinoy! Pakanta kanta, pasayaw sayaw. Ika nga ng isang commercial - basta happy tayo! Sanamagan na halalan ito!

Wala naman akong away sa mga ito. Oks na oks naman sa akin na mangarap tayo ng mas mabuting buhay para sa sarili at para sa ating pamilya. Sipag at tiyaga and tunay na solusyon diyan. Paminsan minsan, may kikislap na bituin (o kulog at kidlat), at tatama ka sa Lotto!!! Yan ang jackpot! Yan ang tinamaan ng suwerte talaga!!

Tunay na pangarap at hindi yun nangangarap na gising. Hindi panaginip na magiging isang bangungot sa mamamayan. Sawa na tayo diyan. Bawat pulitiko eh pulos pangako naman na iaahon tayo sa hirap. Asan na tayo ngayon? Andito pa din. Kaya dumami ang OFW natin sa mga huling taon (at yang ang bida ni Ate Glu) ay dahil di na nila maatim ang paghihirap at di pagtupad sa mga napakong pangarap ng mga pulitiko sa Pinas. Sa ibang bansa nangangarap ang ating mga kababayan. Kaawa awa talaga ang Pinoy.

Kaya nga bentang benta ang "concept" ng mga mahihirap na may isang sugo na aahon sa atin sa kahirapan. Diyan ako nasuka. Sayang. Magaling pa naman yung ibang kandidato. Walang masama mangarap at magbigay ng pagasa, pero tama din naman si Gibo, na hindi lamang "jingle" ang dadala sa isang bansa para maging mas maunlad at matatag. At kaya natin lumipad patungo sa ating mga pangarap kung magaling ang piloto natin.

Kung ang pagpapatayo ng bahay at paaralan, pagbigay ng tulong sa mga OFW o sa mga mahihirap, o pagpapaunlad ng sariling pamunuan ang magiging basehan natin sa pagpili ng pangulo, "I am sorry to say", hindi yan ang dapat maging basehan. Ang mga pinaglalandakan ninyong mga nagawa o "achievements" na yan ay isang DAPAT LAMANG na ginagawa ninyo. Walang dapat itanaw na utang na loob ang mamamayan sa inyo po! Dapat lamang gawin ninyo ito. Susmaryosep. Aba, lumalabas pa na dahil ginawa ninyo ito eh karapat dapat lang kayong maging pangulo?!?!?! Sanamagan. Eh pawis at dugo namin na binabayad sa mga patong patong na buwis ng lecheng pamahalaan na ito ang pinanggagalingan ng inyong "pork barrel" funds! Pawis at dugo ng buwis sa mga nagtratrabaho, na kinakaltas ninyo buwan buwan. Yang mga patay gutom at istambay at iskwater at mga Juan Tamad ang nakikinabang. Kung ako ang masusunod, eh ang mga nagbabayad ng buwis lamang ang may karapatan bumoto! Saling pusa lang kayo.

Ito lang ang masasabi ko, wala kayong karapatan angkinin na may nagawa kayo sa pera ng taong bayan, dahil ang sagot diyan ay DAPAT LANG!

Ang daming tatakbong sugo ngayong halalan. May sugo ang Diyos daw. Noong nakaraang halalan, nakalimutan ng Diyos yung sugo niya. Kung tunay na sugo siya, dapat parang isang propeta sa bibliya sana siyang pumupunta sa Malacanang at itaas ang kanyang batuta at sabihin na may mga sumpa na darating sa palasyo ng duwende kung hindi nito pakakawalan ang mga Pinoy sa kahirapan. Yung huling sumpa eh kukunin ang panganay niyang anak na congressman din. May nangyari bang ganito? Walang himala...kahit na ang simbahan eh tiklop. Nung namatay nga ang palaban na si Cardinal Sin, ang ibang mga kaparian natin eh parang maamong tupa. Utos siguro ng Roma na huwag makialam.

Para sa akin, huwag ng mag asam na maging pangulo ang sugo ng Diyos. Walang himala! Napanood na kaya nito ang pelikula ni Ate Guy? Sayang ang pera na nauubos sa pangangampanya para sa isang himala. Maraming nagugutom. Maraming puedeng pagbigyan nito. Hindi niyo ba napapansin ang simbahan kung makahingi ng abuloy linggo linggo eh may pangalawang koleksyon pa?!?!?! Ang pangalawa ay abuloy kung saang saang proyekto - sa Haiti, sa mga kaparian, sa nasunugan, sa nasalanta ng bagyo...kulang na lang sa pagkain ng mga malnourished tulad ni Kim Chiu. Kahit di Katoliko si Eddie V, kung talagang may malasakit siya sa mga Pinoy, eh tutulong siya, kahit na anong relihyon ka!

Sayang din naman ang ibang kandidato natin na may kakayahan. Madaming nagawa sa kanilang sariling pamunuan. Maunlad na maunlad na ang kanilang pamunuan, pero ang tanong, paano nila nagawa ito? Hindi sa sipag at tiyaga mga 'tol! Ang tawag dito - nepotism! Syete mga 'tol. Isipin ninyo na hindi sila nagkakalayo sa mga Ampatuan. Sa totoo lang, karamihan sa mga pulitiko ay hindi malayo sa mga Ampatuan. Ilan ang kilala ninyong Mayor at Congressman sa lokal ninyong pamunuan mula ng matalsik sa puwesto si Marcos? Sa Makati lang, eh pulos Binay ang pangalan. Paslit pa ang anak ni Binay nung naging mayor si Jojo. Pumalit sa kanya nung matapos siya maging mayor ng ilang termino ay ang misis niyang doktora. Tapos bumalik siya sa puwesto. Habang lumalaki si JunJun. Ngayon tapos na sa pag aaral at may mga anak na din si JunJun, eh panahon na bumaba ang ama. Kaya si JunJun na ang tatakbong mayor ng Makati. Parang walang katapusan ang DYNASTY nila duon. At parang ang tanga tanga ng mga tao sa Makati. Iisa lamang ang kanilang kilalang pinuno? Ano siya, Hari? Eh di dapat mayor ang tawag duon kundi Datu o Hari! Huwag ng mag eleksyon pa sa Makati o sa Marikina o sa Olongapo o saan man sa Pilipinas.

Tama nga si Ate Glu. Dapat palitan ang ating Konstitusyon. Hindi karapat dapat ang klaseng pamahalaan natin ngayon. Pero mali din siya at si Tabako king (Former President Fidel VR) na dapat parliamentary ang pamahalaan natin. Maniwala kayo't hindi, mas papatok ang monarchial government sa atin. Lahat gusto maging hari at reyna. Walang gustong bumaba sa puwesto. Gusto ng lahat maging sugo --- FOR LIFE!!!!

Kung si Ate Glu ang ating pagbabasehan, ay talagang hindi mananalo si Gibo. Sa mga fanatikong mga taga La Salle lamang siya patok na patok. Sa totoo lang, magaling magsalita si Gibo. Napapahanga ang mga kabataan sa mga katagang nilalabas niya sa bibig niya tuwing sumasagot siya sa mga napupukol na mahihirap na tanong. Tulad ng kanyang amo ngayon, matalino din si Gibo. Pero hanggang duon lang. Maabilidad. Magaling magsalita. Ano ang pinamalas ni Gibo at puede natin siyang maging pangulo kundi sa likas ng galing sa pananalita? Habang buhay siyang magkakaroon ng utang na loob sa isang taong naging ganid at sinungaling. Habang buhay niyang papasanin ang pagtatakip sa mga kasalanan nito. Kung makukumbinsi niya na hindi tumakbo si Ate Glu bilang congresista sa Pampanga sa darating na halalan, may pagasa pa siyang manalo. Mapapaloob ang mamamayan na mawawala na ang duwende sa pulitika. At kahit na magkaroon ng pagpapalit ng ating konstitusyon, di na maaring bumalik pa sa pulitika ang duwende! Kahit na sa puwesto bilang baranggay tanod! Kung magawa ito ni Gibo ngayon, maaraing manalo siya sa darating na eleksyon.

Ang ibang tumatakbo ay isang masaming panaginip lamang. Inutil naman ang ating Comelec. Basta gustong tumakbo, hala sige, takbo! Alam naman natin na isang malaking kabaliwan ang ibang kandidato. Umaasa pa sila. Pero sa totoo lang, may following ang mga yan. Ang tawag sa followers nila, fanatiko! Parang si Jason Ivler. May following sa Facebook. Kahit na mali, ay tama para sa kanila. Yang mga fanatikong yan ay mga walang pangarap sa buhay. Baliktarin mo man ang mundo, para sa kanila, mamamatay at papatay sila para sa idol nila! Puede dito mag-recruit ang Al Queda. Mga fanatiko ito. Sabi nga sa ingles, "no reason, no rhyme"! Sanamagan talaga. Dapat patok na patok ang specialidad ng Psychiatry sa Pinas sa dami ng may kulang na turnilyo sa tuktok. Isama mo na ang dakilang sugo ng mga yan. Ang tawag sa sugo nila, ilusyonado. Pero bebenta yan. Alam mo naman ang Pinoy, showbiz na showbiz ang dating. Tamang tama ang huling kataga ng kanta ng pambansang awit natin - ang mamatay ng dahil sa iyo!

At dito magtatapos ang aking dalawang buwang pag-iisip kung sino ang aking pipiliin maging pangulo. Pagkatapos sumakit ang ulo sa pakikinig sa GMA, ABS-CBN, ANC, sa mga debate sa paaralan, sa mga internet websites, sa SWS at Pulse Asia ay lalo akong nalito sa mga pasiklablan nila. Eto tayo sa huling punto ng aking pagpili ng susunod na pangulo ng bansang ito.

Tama ang mga batikos kay Noynoy. Wala nga siyang masyadong kakayahan.

Kakayahan lamang ba ang magiging basehan natin sa pagpili ng pangulo? Pustahan tayo na mahigit 75% ay nag-eendorso ng manok nila, hindi dahil sa kakayahan, kundi dahil sa isang tanog - WHAT'S IN IT FOR ME? Sampalin ninyo sarili ninyo pag nagsinungaling kayo sa sagot na ito! Pustahan tayo na marami sa atin eh may pangarap maging sikat! Sikat sa pulitika. May kilala sa pamahalaan. May kilala na senador, kongresista, mayor, baranggay kaptain, tanod at sino man pipitsugin na kinaugalian natin i-name drop!

Sabi ng iba, galing si Noy sa pamilya na sikat kaya nadadala lang siya ng agos ng eleksyon. Hindi nga siya si Ninoy at hindi din siya si Cory. Sa dugo lang niya at ng pamilya niya lumalatay ang isang tunay na dahilan kung bakit dapat tayo mamili ng tama sa darating na halalan - ang pagmamahal sa ating lupang hinirang!

Ang mga magulang lang ni Noy ang nagpakita ng tunay na pagmamahal sa ating bayan. Isang bayan na kahit na wala ng pag-asa ay binalikan ni Ninoy para mapakita sa isang dikdatura na walang takot siyang mamamatay para sa demokrasya. Isang bayan na kahit na walang patutunguhan ay itinaya ni Cory ang kanyang mga huling sandali sa pagdarasal at paglalaban sa tama.

Isang bansa, na sa darating na halalan ay mabibigyan ng isang pagasa uli bumangon at ipakita sa mata ng mundo at mata ng lipunan na may pinagyayabangan tayo bilang isang lahi! Tayo'y Pinoy! Sa salita, sa diwa at higit sa lahat, sa puso! Kung mahal natin ang ating bansa, ito na ang huling El Bimbo natin. Ito na ang pagkakataon na maiahon natin ang ating bansa sa tunay na kahirapan. At taas noo natin masasabi sa buong mundo na AKO AY PILIPINO!

Ang simula ay dapat galing sa puso natin. Hindi sa kung ano ang makukuha natin sa mga pangako ng tumatakbo bilang pangulo. Hindi pangako ang kelangan natin kundi isang pinuno na may integridad.

Bayaan na ninyo yung katagang - may takot sa Diyos. Nabenta na yang katagang yan at walang nagsabi ng totoo. Kung makakasagot lang ang Diyos, eh sasabihin niya na natatakot siya sa mga Pinoy sa dami ng sumumpa at gumamit sa pangalan niya para lamang maging kampon ni Satanas.

Simulan na ang laban.

Sino man ang manalo sa darating na halalan, kung ano man ang inyong naging Pramis at nag Cross your heart and Peksman pa kayo...kung hindi ninyo matupad itong mga pangako na ito pagkatapos ng inyong pamunuan, eh sana matupad ang huli...hope you die!

No comments: