Friday, June 11, 2010

Wish ko lang


Tatagalugin ko ito.

Sa mga hindi nakakaintindi ng Tagalog, pasensiya na muna.

Libre ang mangarap. Sana makamtam ko ang mga munting pangarap na ito, kahit na termino ni P-Noy.

1. Matigil na ang katiwalian sa pamahalaan. Ito ang balakid ng ating kaunlaran. Ito din ang dahilan kung bakit hanggang ngayon, mahirap pa din ang Pinas. Third World, ika nga. Namayagpag na ang ibang mga bansa sa Asya, pero andito pa din tayo. Pulubi. Nagmamakaawa sa ibang bansa na kunin tayo para makapaghanapbuhay ng matino sa ibang bansa. Nagpapadala ng mga OFW kung saang lupalop ng planeta.

2. Magkaroon ng disiplina ang mamamayan. Nakapagtataka na pag nasa ibang bansa ang Pinoy, ay ubod ng tino. Di nagtatapon ng basura kung saan saan. Di tumatawid kung walang pedestrian lane. Di sumasakay at bumababa ng sasakyan kung di dapat. Bakit ba dito sa Pinas eh akala mo hari ng kalsada lahat?

3. Matutong magmahal sa sariling bayan. Ang ibang mga banyaga, nakikita ang katangian ng ating bayan. Pero ang Pinoy, parang walang pakialam. Dito nagaaral ang mga Koreano ng wikang Ingles. Dito ang magagandang paaralan. Dito maganda ang mga tanawin at pasyalan. Pero parang mailap tayo maging isang destinasyon para sa mga turista. Mahirap bang pagandahin ang ating bayan?

4. Gawin ng pamahalaan ang dapat nilang gawin para sa ating bayan at mamamayan. Ang mga pulitiko naman ang maghigpit ng sinturon at di ang mga mamamayan. Kung sa tingin nila eh yayaman sila sa pagnanakaw sa kaban ng bayan, eh sana mamatay na lang lahat ng mga ito. Hindi lamang pagtaas ng buwis ang solusyon sa pagdagdag ng pera sa kaban ng bansa. Puede naman hindi magarbo ang sasakyan ng mga senador, kongresista, at mga lokal na namumuno. Pera natin yan.

5. Tigilan na ng simbahan ang pagaaway sa pamahalaan kung ano ang nararapat para sa mamamayan. Kung minsan di ko maintindihan kung bakit masyadong tutol ang simbahan sa mga adhikain ng pamahalaan, eh ikabubuti naman ito ng sambayanan. Mas maraming problema dapat tuntunan ng simbahan. Di ba tayo magkita sa gitna?

Andun na ako, na maraming nagawa si Ate Glue sa siyam na taon niyang bilang pangulo. Pero hindi naman ibig sabihin eh tatalikuran natin ang mga mali sa pamumuno niya, kapalit ng ibang mabuti. Sa totoo lang, ang pagnanakaw sa pagiging pinuno ng bansa eh isang malaking dagok sa kapurian ng Pilipino! Ika nga sa Ingles, the end does not justify the means.

Konting sakripisyo sa mga opisyales natin. Konting pagkumbaba. Tama na ang yabang at pagpapakita ng kayabangan. Matutong pumila. Matutong di maglagay. Walang kumpadre o kamag-anak.

Kailangan natin ng isang pagbabago. Kahit minsan lang. At ang simula nito, ay dapat sa bawat isa't isa.

No comments: